Tulad ng dati nga ba? Akala lang nila iyon.
Araw-araw ang hanap ko ay pagod para hindi na pilitin ang katawang lupang buhay na humandusay sa kamang bagong bili. Pinaltan ko na kasi ung kama namin. Iyong kama kung saan kami magkatabi. Sa kama kung saan sa mga oras na hindi ako makahinga ay nararamdaman ko ang ginhawa kasi katabi ko siya at ramdam ang pag-aaruga.
Puwera pa sa pagod, hanap ko ay libangan tulad ng pag eedit sa publisher at sa ibang apps na meron ako. O kaya ay panonood ng KDrama para kiligin naman ako. Hindi ko na alintana kung lumabo man ang mata ko. Baliwala na kung hindi mawala ang astigmatism na malapit na sana umayos kung narito pa siya sa tabi ko para magpaalala. Ano pa ang silbi ng nalinaw na paningin kung sa bawat sulok ay may alala na makikita? Ayos di ba?
Paano kaya pag nabasa nila ito? Baka sabihin nila na ako ay isang dakilang etchusera. Puwede ding artista. Hahaha! Bahala na. Tatawanan ko na lamang sila. At sa wakas weekend na bukas, at long weekend pa nga. Pahinga muna sa pagpapanggap na ako ay masaya.
