Friday, August 25, 2017

Walang Pamagat kasi Wala akong Maibigay na Pamagat

Sa trabaho, lagi nila sinasabi na hanga sila sa tatag ko. Nakakatawa. Nakakangiti. Tuloy pa rin ang buhay at ginagawa ang trabaho (bilang guro) ng may sigla tulad ng dati.

Tulad ng dati nga ba? Akala lang nila iyon.

Araw-araw ang hanap ko ay pagod para hindi na pilitin ang katawang lupang buhay na humandusay sa kamang bagong bili. Pinaltan ko na kasi ung kama namin. Iyong kama kung saan kami magkatabi. Sa kama kung saan sa mga oras na hindi ako makahinga ay nararamdaman ko ang ginhawa kasi katabi ko siya at ramdam ang pag-aaruga.

Puwera pa sa pagod, hanap ko ay libangan tulad ng pag eedit sa publisher at sa ibang apps na meron ako. O kaya ay panonood ng KDrama para kiligin naman ako. Hindi ko na alintana kung lumabo man ang mata ko. Baliwala na kung hindi mawala ang astigmatism na malapit na sana umayos kung narito pa siya sa tabi ko para magpaalala. Ano pa ang silbi ng nalinaw na paningin kung sa bawat sulok ay may alala na makikita? Ayos di ba?

Paano kaya pag nabasa nila ito? Baka sabihin nila na ako ay isang dakilang etchusera. Puwede ding artista. Hahaha! Bahala na. Tatawanan ko na lamang sila. At sa wakas weekend na bukas, at long weekend pa nga. Pahinga muna sa pagpapanggap na ako ay masaya.

Thursday, August 24, 2017

Salamat Kdrama!

Bakit nga ba? Yan ang laging tanong ng aking isipan. Ay! Mali pala. Puso ko pala ang nagtatanong. Kaya naman sagutin ng utak ko eh. Sa dami ng scientific facts na alam ko , walang sagot na maibigay pa rin para sa puso ko. Sa dami ng vicarious experience na napulot ko mula sa mga novela, maikling kuwento at iba pang panitikang nabasa ko, wala pa din mapiling sagot ang puso ko. Pero ano nga ba ang sagot na hanap ko?
Ako na siguro ang pinakamalas na nilalang sa mundo! Nagmahal. Umasa. Naiwan. Nagmahal muli at naniwala sa forever. Nagsisimula na ako maniwala na umaayon na ang lahat. Nabiyuda. Biglang lagapak ang kaligayahang umabot na sa mga ulap. Biglang bumagsak ang kastilyong nabuo sa matatamis na ngiti at kilig.
At eto ako, ayoko na. Ayoko na sa mga pangako. Ayoko ko na sa nga salitang magdadala ng kilig at matatamis na ngiti. Lahat naman ay maglalaho. Lahat ay mawawala sa isang iglap, sa mismong panahong akala mo masaya na ang lahat. Lahat ng bagay, maski ikaw, ako, tayo ay maglalaho kasama ng mga pangako. Mga pangakong tila punyal na nakatapat sa ating puso. Habang tumatagal. Habang umasa, unti-unting kumikitil ng puso at iiwanan ka sa kawalan. Manhid.

Sa KDrama na lang humiram ng kilig.